"AWIT NG LULUSONG NA MAGSASAKA"
ni Rener Concepcion
Mas hirati na ang kamay
Sa pagdurog ng tiningkal
Sa lubid at sa tatangnan
Ng ararong may pamungkal.
Paglipatin na lang sana
Ng usbong, supang o bunga
Mas madali ang pumala
Sa magsulat, sa magbasa.
Kaya malaking trabaho'ng
Umaninaw sa polyeto
Kahit ba iya'y numerong
Guguririan ko 'ka mo?
Pero alam ko rin naman
Boto'y boses kong lilitaw
Pinili ko'y ibibilang -
Minsanang kapangyarihan.
Dahil diyan umaahon
Ang konsehal at ang meyor
Saka nanlilimos-tulong
Nangangako ng pagsulong.
Dahil diyan ang pag-ibis
Paglayo muna sa bukid
Sa presinto 'ta sasapit
Hahawak kita ng lapis!
Tingni kung sinong nagpar'yan
Nu'ng ang ilog ay umapaw
May bigas ba s'ya't pang-ulam
Nu'ng t'yan nata'y walang laman?
Ganyan din ang apelyido
Nu'ng sa Mamay sumaklolo
Noong s'ya'y naagrabyado
Napahabla, nagkakaso.
Baka hindi yan sa ata't
Sa sarili lang na bulsa
Tayo pa ang magdadala
Kesa siya ang pupunta.
Taon na ba ang serbisyo
O may buhay na sarado?
Gumagarantiyang tao'y
Iyo bagang kabisado?
Saka natin maisulat
Dulo ng balitaktak
Pag sala, kita'y maghirap
Pag s'wak, buhay-aliwalas!
Aya't tapos na ang pulong
Par'ne na't kita'y lumusong
Magdambana ng desisyon
Nakataya'y banda roon!
I love the message of this poem. It is very timely and relevant. Mabuhay mga magsasakang Pilipino!
ReplyDelete